Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko sisimulan ng ‘Blog
entry’ kong ito. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin nagrerehistro sa aking
isipan na patapos na ang kabanatang ito, na kung tutuusin ay parang kalian lang
nasimulang buksan. Siguro nga’y ganoon talaga ang oras; kapag masaya ka,
mabilis lilipas.
Oo tama, naging masaya ang taon kong ito. Mas masaya sa
inaasahan.
Sa unang hakbang ko, aamin ko hindi naging madali; bagong
mga guro, bagong mga aralin. Pero dahil alam kong kasama ko pa rin sila, ang
aking ikalawang pamilya, kusang nagiging magaan sa pakiramdam. Hindi dahil sa
may makokopyahan, kundi dahil alam kong mayroon akong mga kaagapay at karamay;
kaagapay sa bawat unos, karamay sa bawat masasayang bugso.
Katuwang ang aming mga guro, kapitkamay naming tinahak ang
isang paglalakbay. Hindi lumilipas ang isang araw na walang tawanan at
hagikhikan ang umaalingawngaw sa klase. Nariyan din yung paulit ulit na ‘Antimony
quiet!’ Antimony! ‘Magfootsock nga kayo.’ ‘Antimony! Announcement!’ at kung ano
ano pa.
Bukod pa dyan, talagang tatatak sa’kin ang iba ibang pangkat
kada asignatura. Pati yung mga grupo na dulot ng pagkakaibigan gaya ng
#TeamLikod, MMARRDDS, DS, at Chicserificszx.
Bagaman, di maiiwasan ang alitan sa pagitan ng mga ito, nanatili
kaming matatag. Sa pagtatapos ng araw, malinaw sa bawat isa na kami kami pa
rin. Kami kami pa rin yung maghihingian ng pagkain at papel. Kami kami pa rin
yung magbabasagan ng itlog sa tuwing may nagdiriwang ng kaarawan, kami pa rin
yung Antimony. Sabi nga nila, ‘walang titibag.’
Pero syempre, gaya ng ibang kwento, dadating at dadating yung
punto ng pagtatapos. Maraming pwedeng mangyari, may aalis, may darating at
walang nakakaalam kung paano at kalian. Sa ngayon, ang mahalaga, buo kami sa
puso’t isipan. At sa pagtupad ng bawat isa sa kanikanilang mga pangarap, nawa’y
kabalikat pa rin ang mga karansang aming
pinagsaluhan.
Sa unti unting, pagkaubos ng tinta ng aking asul na bolpen,
isang malaking pasasalamat ang aking handog.
Salamat sa nakakaaliw na kwentuhan, salamat sa madramang
hugutan, salamat sa mga aral. Salamat sa lahat lahat. Kung hindi dahil sa isa’t
isa, marahil problema’y di nasolusyunan. Marahil hindi ko nagawang pagtiiisan
ang init sa aking pwesto. Marahil ibang ‘Darren’ pa rin ang haharap sa inyo.
Masaya ako na minsan sa buhay ng 50 kong kamag- aral at 8
mga guro ay naging parte ako ng isang kabanata. Kabanata sa loob ng apat na
sulok na silid.


